GENERAL SANTOS CITY – Hinamon ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) ang mga local government units (LGUs) na maglagay ng libreng Wi-Fi sa mga barangay o kaya ay palakasin ang internet signal sa kanilang mga lokalidad.
Malaki kasi ang gagampanang papel ng internet sa nakatakdang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, kung saan lilimitahan ang face-to-face learning sa gitna na rin ng coronavirus pandemic.
Ayon kay DepEd-Region 12 Director Allan Farnazo, malaki ang maitutulong ng internet para magamit ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral kahit sila ay nasa bahay lamang.
Paliwanag ni Farnazo, magagamit pa rin ang lumang paraan sa pagtuturo sa mga malalayong probinsya na hindi aabot sa 500 enrollees.
Pero may malaking kaibahan lamang ang klase ngayong taon dahil sa mga pamamaraan na ipatutupad ng kagawaran dahil nahaharap sa hamon ang mga paaralan.
Dumepensa din ito sa batikos kung bakit sinusugan ang pagbabalik ng klase sa Agosto 24 kung saan aniya, ito ang nakasaad sa batas.