CENTRAL MINDANAO – Walomput pitong mga Learning Support Aides (LSA) ang nakatakdang kunin ng city government at ng Department of Education City Schools Division upang matugunan ang pinatutupad na blended learning ng mga mag-aaral sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ito ay ayon pa kay Assistant City Schools Supt. Natividad Ocon.
Layon ng pagha-hire ng mga LSA’s na makatulong sa mga magulang na limitado ang kapasidad na magturo sa kanilang mga anak sa blended learning na ipinatutupad ng DepEd sa lungsod.
Aminado ang DepEd na maraming mga magulang ang nahihirapan na magturo ng aralin ng kanilang mga anak dahil na rin sa sila mismo ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral sa kanilang kabataan.
Upang matugunan ito, ide-deploy ang mga LSA’s sa iba’t ibang lugar upang magturo ng mga leksyon sa limitadong bilang ng mga bata ilang beses sa loob ng isang linggo alinsunod na rin sa ipinatutupad ng minimum health standards kontra COVID-19.
Matatandaang ipinatupad ang blended learning sa pamamagitan ng modules at Radio/ Television Based Instruction dahil na rin sa hindi pinapayagan ang face-to-face at classroom instruction para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Kukunin ang mga LSA’s sa listahan ng mga nag-apply bilang guro sa public schools.
Manggagaling naman sa Special Education Fund ng City Government ang honoraria ng mga LSA’s, ayon pa sa DepEd.