-- Advertisements --

Inanunsyo ni US President Donald Trump ang nominasyon ni Florida businessman Lee Lipton bilang susunod na Ambassador ng Estados Unidos sa Pilipinas, kapalit ni MaryKay Carlson, isang career diplomat na nagsilbi sa naturang posisyon mula pa noong 2022.

Si Lipton ay kasalukuyang nagsisilbi bilang interim Permanent Representative sa US Mission to the Organization of American States (OAS).

Bagamat hindi nagmula sa tradisyunal na hanay ng mga diplomat, si Lipton ay kilala sa larangan ng negosyo at may malawak na karanasan sa mga international affairs sa rehiyon ng Latin America.

Ang papalitan niyang si Carlson ay isang beteranong diplomat na may mahigit tatlong dekada sa serbisyo sa labas ng Estados Unidos.

Sa kanyang panunungkulan sa Pilipinas, pinangunahan niya ang mga inisyatibo sa seguridad, kalakalan, at edukasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang nominasyon ni Lipton ay bahagi ng patuloy na pagsasaayos ng administrasyong Trump sa mga posisyon ng ambassador sa Asia-Pacific region.

Inaasahan na ang kanyang appointment ay magpapatibay pa sa ugnayan ng America at Pilipinas, lalo na sa larangan ng ekonomiya at seguridad.

Ang nominasyon ay isusumite sa US Senate para sa kumpirmasyon bago siya pormal na manungkulan bilang envoy.