Posible umanong magpahingang muli sa paglalaro si Los Angeles Lakers star LeBron James makaraang lumala ang iniinda nitong groin injury.

Bago ito, sa pagkatalo ng Lakers sa kamay ng Los Angeles Clippers sa kanilang Christmas Day game, 111-106, natuhuran si James ni Patrick Beverley sa singit nang magbanggaan ang dalawa sa first quarter ng laban.

“I felt healthy going into the game,” wika ni James. “I got kneed in the groin taking a charge from Pat Bev and it kind of set me right back to where I was five days ago.”

Batay sa report, hindi naman daw malala ang injury ni James sa kanan nitong singit kumpara sa nakuha nito noong nakaraang season, ngunit maaari pa raw itong mas lumala kung hindi ito titigil muna sa paglalaro.

Kaya naman, nilapitan na umano ang four-time MVP ng ilang mga miyembro ng organisasyon upang payuhang magpahinga muna at isailalim sa rehab ang kanyang groin injury hanggang sa tuluyan na itong gumaling.

Matatandaang noong Christmas Day game noong 2018, gumarahe rin muna ang NBA star dahil sa lumagatok na groin.