Gumawa ng panibagong kasaysayan ang 3-time All-Star na si Shai Gilgeous-Alexander kasunod ng pagkakatanghal bilang 2025 Finals Most Valuable Player (MVP).
Sa Game 7 ng NBA Finals, nagbuhos si Shai ng 29 points, 12 assists, at limang rebounds sa loob ng 40 mins na paglalaro. Siya ang ikalimang player sa kasaysayan ng NBA na gumawa ng 20-10 performance sa Game 7 ng Finals.
Nagawa ni Shai na ibulsa ang scoring title ngayong season matapos mapanatili ang mahigit 32.7 points per game. Naibulsa rin niya ang kaniyang unang regular season MVP ngayon season.
Dahil dito, napahanay siya sa mga NBA legend na nakapagbulsa ng MVP, Finals MVP at Scoring Title nang sabay-sabay, tulad nina Stephen Curry, Lebron James, Shaquille o’Neal, Michael Jordan, atbpa.
Pinangunahan ng 26-anyos na guard ang Thunder sa una nitong championship habang nasa Oklahoma City at pangalawa sa kasaysayan ng koponan.
Dahil sa impresibong performance, posibleng aalukin din ang bagitong guard ng $293.4 million para sa 4-year extension. Kung sakali, ito na ang pinakamataas na sahod sa kasaysayan ng basketball.
Ayon sa bagong champion, hanggang sa kasalukuyan ay halos hindi pa rin mag-sink in sa kaniya ang naging panalo ng koponan. Isa aniya itong panalo ng koponan, pamilya, at sa lahat ng nagtiwala sa buong team.
Samantala, natanong din ang Thunder star sa mahigpit na labang ipinamalas ng Indiana Pacers sa kabuuan ng 2025 Finals.
Aniya, sa kabuuan ng laban ay pawang impresibong performance ang ginawa ng koponan, lalo na sa pangunahin nitong star na si Tyrese Haliburton. Tiyak aniyang makikita muli ang magandang performance ng naturang koponan sa mga darating na season.
Inihayag din ng Thunder guard ang kaniyang pag-aalala sa sinapit ni Pacers star Tyrese Haliburton matapos siyang magka-injury sa unang bahagi ng 1st quarter.
Bago ang Finals ay nagawa ng Thunder na pataubin ang ilang bigating team tulad ng 2023 NBA champion na Denver Nuggets na inabot ng Game 7, at Minnesota Timberwolves.