LeBron James

Hindi umano maglalaro para sa defending champion Team USA na sasabak sa FIBA World Cup sa China si Los Angeles Lakers star LeBron James.

Sinabi ni James sa The Athletic, kanya na raw kasing sisimulan sa offseason ang production ng pelikulang “Space Jam 2,” na ilalabas sa Hulyo 2021.

Matatandaang sa unang pagkakataon mula noong 2005 ay hindi maglalaro sa NBA postseason ang four-time NBA Most Valuable Player.

Muli kasing hindi nakausad ang Lakers sa playoffs ngayong season, at natapos na rin ang season ni LeBron noong nakaraang linggo dahil sa kanyang groin injury.

Gayunman, sinabi ni James, na two-time Olympic gold medalist, hindi niya raw isinasantabi ang posibilidad na paglalaro para sa US team para sa 2020 Summer Olympics sa Japan.

“Yeah, that’s a possibility,” wika ni James. “It depends on how I feel. I love the Olympics.”