CAGAYAN DE ORO CITY -Napatay ng pulisiya ang notoryus na robbery gang leader na nag-o-operate sa Misamis Occidental at ibang bahagi ng bansa.

Ito’y matapos lumaban sa isinagawang anti-illegal drug buy bust operation ng Misamis Occidental PNP si Jovenji Alferez alyas Jojo sa Brgy. Sta Maria,Tangub City.

Si Alferez ang siyang leader ng Alferez robbery gang at Martilyo Gang na siyang responsable sa panloloob sa ilang malalaking shopping mall at bangko sa Cavite, Cebu at Cagayan de Oro.

Ayon kay Misamis Occidental Provincial Police Director Police Col. Danildo Tumanda, mahigit isang buwan ang kanilang pagmanman sa illegal activities ni Alferez, bago nila isinagawa ang operasyon.

Na-recover ng pulisiya mula sa posisyon nito ang isang 38 caliber na pistola at apat na sachets ng drugang shabu.

Sa ngayon, hinahanap pa ng mga otoridad ang iba pang kasamahan nito.

Napag-alaman na kamakailan lamang nakalaya mula sa pi-itan si Alferez matapos itong madakip sa kasong murder at robbery.