-- Advertisements --

Gagawa ng kasaysayan ang Broadway at international theater icon na si Lea Salonga bilang kauna-unahang Filipina na tatanggap ng star sa Hollywood Walk of Fame.

Pararangalan si Lea ng ika-2,855 na star sa Setyembre 4 sa Hollywood Boulevard, sa harap ng The Pantages Theatre.

Pangungunahan ang seremonya ni Emmy Award-winning journalist Sibley Scoles, habang magiging guest speaker naman si actress at kapwa Walk of Famer Ming-Na Wen.

Matagal nang magkakilala sina Lea at Wen sa Disney animated film na Mulan. Si Lea kasi ang kumanta bilang boses ni Mulan sa Mulan at Mulan II, habang si Wen naman ang nagsilbing speaking voice ng karakter.

Ayon sa Hollywood Chamber of Commerce, kinikilala si Lea bilang trailblazer na nagbigay-inspirasyon sa mga manonood sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang talento at mahigit ilang dekada sa karera ng teatro.

Bukod sa Hollywood Walk of Fame, pararangalan din si Lea ng Icon Award sa Manila International Film Festival Closing Night Awards Gala sa Setyembre 6 sa Beverly Hills, California.

Kilala si Lea Salonga sa kanyang Tony Award-winning performance bilang Kim sa musical na Miss Saigon. Nakatanggap din siya ng iba pang prestihiyosong theater awards, kabilang ang Olivier, Drama Desk, Outer Critics Circle at Theatre World Awards.

Naging bahagi rin siya ng Broadway productions na Les Misérables, Once on This Island, Allegiance, Here Lies Love at Flower Drum Song.

Bukod sa teatro, siya rin ang singing voice ni Princess Jasmine sa Disney’s Aladdin at kinilala bilang Disney Legend noong 2011.