-- Advertisements --

Ikinabahahala ngayon ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang realignment ng P300-B na pondo para sa flood control sa 2026 budget.

Ito ang naging komento ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu.

Ayon kay Atty. Inton, bagamat tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na madadala ang pondo sa susunod na taon, may mga pangamba ito ukol sa posibleng pagbukas ng mga pinto sa potensyal na maling paggamit.

Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay unang nagmungkahi ng P250-billion na alokasyon para sa mga proyekto sa flood control, ngunit sa utos ng Pangulo, walang bagong pondo ang ilalaan para dito sa 2026.

Ang natirang pondo ay ililipat sa mga programang tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Dahil dito, tataas ang budget ng AICS mula P26.9 bilyon hanggang P59.5 bilyon, at ang TUPAD mula P12.1 bilyon hanggang P26.9 bilyon.

Ayon sa abogado, wala pang konkretong hakbang na magpapatibay sa transparency ng pondo at ito ay may mataas na risgo ng katiwalian.

Binigyang-diin ni Inton ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag ng publiko, lalo na’t walang konkretong aksyon laban sa mga tiwaling opisyal.

Aniya, hindi sapat ang mga pangako ng transparency kung walang resulta sa pagpaparusa sa mga nagkasala.

Sa patuloy na usapin ukol sa 2026 budget, isinusulong naman ng grupo ang higit na accountability at transparency sa paggamit ng pondo, lalo na’t may mga alalahanin na ang social welfare programs ay maaaring pagsamantalahan sa pulitika.