ILOILO CITY- Kulong ang isang pulis matapos barilin ang kapwa pulis sa Jordan, Guimaras.

Ang suspek ay si Police Corporal Erwin Ferrer, 33, ng Kataastaasan Buenavista Guimaras at ang biktima naman ay si Police Staff Sergeant Jeremy Minerva, 35, ng Villa Arevalo Iloilo City, pawang naka destino sa Guimaras Provincial Mobile Force Platoon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Col. Hector Maestral, director ng Guimaras Police Provincial Office, sinabi nito na magkasama sina Minerva at Ferrer na pumunta sa headquarters.

Ayon kay Maestral, lasing ang dalawang mga pulis sa kabila ng hightened alert status ng Philippine National Police.

Pagdating ng mga pulis sa mess hall, inilapag ni Ferrer ang kanyang 9mm glock 17 service firearm sa mesa na parang nananakot kay Minerva.

Dito na at pumagitna ang kanilang kasamahan na si Police Cpl. Francis Joe Sartaguda.

Nag-agawan ang tatlo sa baril at sa kasamaang palad, nabaril ni Ferrer si Minerva sa dibdib.

Sa ngayon, patuloy na ginagamot ang biktima sa ospital at nakatakda namang sampahan ng kasong frustrated murder si Ferrer.

Kaagad namang sinibak sa pwesto ang platoon leader ng Guimaras Provincial Mobile Force Platoon na si Police Lt. Col. Raymond Cruz kung saa humalili sa kanya si Police Capt. Stephen Lee Betansos.