CEBU – Inihayag ni Cebu Provincial Governor Gwendolyn Garcia na epektibo sa ika-27 nitong buwan hindi na tatanggap ang lalawigan ng mga pasahero mula sa iba’t ibang bansa papasok ng Cebu dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019.
Magpapatawag ng emergency meeting sa mga alkalde ang gobernadora upang pag-uusapan ang deklarasyon na isasailalim sa State of Emergency ang Cebu at magpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o lockdown.
Ayon kay Garcia, kailangang makuha niya ang opinyon ng mga alkalde sa naturang hakbang upang maiiwasan pa ang pagkalat ng coronavirus.
Una nito, inihayag din sa media ni Lapu-Lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan sa pamamagitan ng facebook post na magpapatupad ng Enhanced Community Quarantine ang lungsod matapos na-iulat na may kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang lugar.
Simula sa ika-29 nitong buwan, 12:01 ng madaling araw ipapatupad ang naturang hakbang kung saan pinapayuhan din ang lahat ng mga residente ng lungsod ng mandatory home quarantine ngunit hindi kasali nito ang mga medical health personnel na pupunta sa kani-kanilang mga trabaho.
Samantalang, mananatili namang bukas ang mga grocery stores, hospitals, pharmacies, gasoline stations at mga bangko. Pansamantala namang mag-shut down ang Mactan Economic Processing Zone (MEPZ) sa loob ng 72 hours.