Hindi humingi ng suporta si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa 41 miyembro ng paparating na 20th Congress upang manatili itong lider ng Kamara de Representantes o sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Nakipagkita si Speaker Romualdez sa mga bagong halal at ilang reelected na miyembro ng Kamara sa isang fellowship dinner nitong Miyerkules.
Nagsilbi itong pagtatapos ng tatlong araw na orientation seminar para sa mga papasok na mambabatas.
Ayon kina Assistant Majority Leader at Manila Rep. Ernesto “Ernix” Dionisio at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, na chairman ng House Ad Hoc Committee on Marawi Rehabilitation and Victims’ Compensation, binigyan ni Speaker Romualdez ng gabay at suporta ang mga magiging miyembro ng susunod na Kongreso.
Kapwa nanalo sina Dionisio at Adiong sa kani-kanilang distrito, kaya sila ay magiging bahagi rin ng 20th Congress na magbubukas sa Hulyo 28, araw din ng taunang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa harap ng joint session ng Kamara at Senado.
Ayon naman kay Adiong, ang fellowship dinner ay upang mainit na tanggapin ang mga bagong miyembro ng Kamara.
Dagdag ng mambabatas, tiniyak ni Speaker Romualdez sa mga bagong halal at muling nahalal na miyembro ng Kamara na ipagpapatuloy niya ang pagsuporta sa mga programa at adbokasiya hindi lamang para sa kani-kanilang mga distrito kundi para rin sa buong bansa.
Muling iginiit nina Dionisio at Adiong na mahigit 280 miyembro ng papasok na Kamara ang lumagda sa isang manifesto na nagpahayag ng kanilang suporta kay Speaker Romualdez upang manatili bilang lider ng mas malaking kapulungan sa 20th Congress.
Samantala, nanawagan si Speaker Romualdez sa mga miyembro ng paparating na 20th Congress na suportahan ang mga pangunahing agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ang kanyang pangarap para sa isang Bagong Pilipinas.
Sa kanyang talumpati binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagkakaisa, maagang paghahanda, at buong suporta sa agenda na nakatuon sa reporma ng administrasyon.
Pinagtibay rin ng pinuno ng Kamara ang kanyang paninindigan para sa isang inklusibo, produktibo, at umaaksyong Ika-20 Kongreso na nakabatay sa agenda ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Marcos.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang mga miyembro ng “Young Guns” dahil sa kanilang mahusay na pagtupad ng tungkulin sa Ika-19 na Kongreso, at pabirong sinabi na sila ngayon ay maituturing nang “Top Guns.”
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang Kamara ay hindi lamang isang institusyon na gumagawa ng batas—kundi ay isa ring plataporma para sa pambansang pag-unlad.