Dagupan City–Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang 28 anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng mga di pa nakikilalang suspek sa Lingayen, Pangasinan.

Nakilala ang biktima na si Joven Garbo, residente sa nabanggit na bayan.

Ayon sa mga otoridad, mahimbing umanong natutulog si Garbo sa loob ng kanyang kubo ng bigla na lamang may tumigil na motorsiklo sa harap ng kanyang tahanan. Pinaniniwalaang huminto ang mga suspek upang bumili ng sigarilyo sa katabing tindahan.

Habang naghihintay, bigla na lamang umanong ine-rebolusyon ng isa sa mga suspek ang kanilang sinakyang motor na may ‘open pipe’.

Naingayan naman si Garbo kung kaya’t agad itong gumising at malapitang sinuway ang mga suspek.

Maayos pa umanong umalis ang mga nabanggit na suspek ngunit makalipas lamang ang ilang minuto ay bumalik din ang mga ito at doon na pinagbabaril ang natutulog na biktima.

Dagdag pa ng pulisya, tumagos pa ang isang bala sa bahay na nasa likod ng kubo dahilan upang matamaan din sa kanang braso ang kaanak ni Garbo na si Derik Lipon, 21 anyos.

Samantala, narekober naman sa crime scene ang mga bala mula sa caliber 45 na baril.

Matagumpay namang nahuli ang mga suspek matapos ang man hunt at hot pursuit operation ng mga otoridad.