CEBU CITY – Patay ang isang lalaki matapos itong tambangan ng riding in tandem sa bahagi ng Brgy. Guizo, lungsod ng Mandaue, Cebu.

Kinilala ang biktimang si Niel Benjamin Eugenio Yap, 34-anyos, residente ng Barangay Quiot Pardo, lungsod ng Cebu.

Base sa imbestigasyon, sinabi ni P/Maj. Aldrin Villacampa, hepe ng Mandaue City Police Station 1 na nagmamaneho si Yap nang bigla na lamang itong dinikitan ng isang itim na motorsiklong may sakay na dalawang lalaking naka-full face helmet at pinaulanan ng bala ang sasakyan ni Yap.

Tumirik ang sasakyan ni Yap sa kalagitnaan mismo ng kalsada sa nasabing lugar kung saan nagtamo ito ng maraming sugat sa katawan dahilan ng kanyang agarang kamatayan.

Kinumpirma naman ni Villacampa na nahuli na nila noon si Yap sa isang buy bust operation at nakuhanan ng ecstacy.

Nabatid na batay sa report, miyembro rin umano si Yap ng Cebu Ecstacy Drug Matrix.

Samantala patuloy namang inaalam ngayon ng Talisay City PNP ang motibo sa pagbaril-patay sa isang active police officer na kinilalalang si P/SSgt. Mikee Espina sa Brgy. Dumlog, siyudad ng Talisay Cebu na naka-assign ngayon sa Masbate City.

Binaril si Espina habang nagpapahinga umano sa terrace ng pag-aari nitong establisimento.

Ayon sa PNP, posibleng sniper ang tumira sa biktima dahil bigla na lang itong bumulagta.

Napag-alaman na noong mga nakaraang taon, may nahuli umano itong mga miyembro ng Kuratong Baleleng.