TACLOBAN CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos siyang tagain ng sariling kapatid matapos silang mag-away.

Nangyari ang insidente sa Brgy Cabuynan, Tanauan, Leyte kung saan ang biktima ay kinilala na si Rogelio Javier, 24 anyos at naninirahan sa naturang lugar.

Samantala, kinilala naman ang kanyang kapatid na suspek na si Roel Esmerio Javier, 31 taong gulang.

Ayon kay Police Captain Dinky Boy Bardillon, hepe ng Tanauan Municipal Police Station, habang nag iinuman ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang magkapatid kung saan kumuha ng itak ang suspek at tinaga nito ang kanyang kapatid.

Nag-angkin ito ng sugat sa bahagi ng kanyang kaliwang braso na dinala naman sa hospital.

Sa ngayon ay wala naman balak na maghain ng kaso ang biktima laban sa kanyang kapatid na suspek.