ROXAS CITY – Patay ang isang lalaki matapos magulungan ng isang mixer truck sa Barangay San Jose, Roxas City.

Kinilala ang biktima na si Regielon Salceda, 21, residente ng Barangay Dinginan, Roxas City.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Staff Sergeant Gamin Unarce, imbestigador ng Roxas City Police Station, inihayag nito na nasa likod umano ng mixer truck na minamaneho ni Sonny Funcion ang biktima upang senyasan ang driver sa pag-atras ng naturang sasakyan.

Mula sa kanang bahagi ng truck ay hindi alam ni Funcion na lumipat sa kaliwang bahagi ang biktima at pumatong sa steel water tank.

Dito na aksidenteng nagulungan ang biktima na nagtamo ng sugat sa ulo at iba pang bahagi ng kaniyang katawan.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang driver ng naturang mixer truck.