Reading Time: 1 minute

TUGUEGARAO CITY – Naniniwala ang pamilya ng napaslang na lalaki na biktima ito ng salvage dahil sa mga tinamong pasa sa katawan kung saan ginilitan pa ang kanyang ari nang matagpuan ang bangkay sa Cabagan, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Jayson Awing, 22-anyos na residente sa Barangay Annafunan West, Tuguegarao City.

Una rito, Miyerkules nitong umaga nang dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo ang isang Jendalyn upang ipanawagan ang kapatid na tatlong araw nang nawawala.

Kaagad namang nakipag-ugnayan ang Bombo Radyo sa Cabagan-Philippine National Police matapos matanggap ang ulat may kaugnayan sa natagpuang bangkay sa madamong bahagi ng kalye sa Barangay Cubag.

Positibo ring kinilala ng pamilya ang bangkay na may mga palatandaan na pinahirapan muna ito bago pinatay sa ibang lugar at itinapon sa Isabela.

Kuwento ni Jendalyn na wala siyang alam na nakaaway ng kapatid, maliban lamang sa kaso nitong roberry noong 2013.

Dagdag pa niya na pang-lima na ang kanyang kapatid sa magbarkada na biktima ng summary execution.

Samantala, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa pagkahuli ng mga suspek at ang motibo sa brutal na pagpatay.