-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine Air Force (PAF) na lalo pang mapapalakas ang kakayahan nito sa pagbabantay sa karagatang sakop ng Pilipinas sa tulong ng Official Security Assistance (OSA) mula sa Japan.

Ayon kay PAF chief Lt. Gen. Arthur Cordura, malaking ambag ang OSA sa pagpapabuti ng maritime domain awareness (MDA) ng bansa.

Kabilang din sa saklaw ng OSA ang mga kagamitan para sa humanitarian assistance at disaster relief (HADR).

Nabatid na ang Pilipinas ay isa sa apat na bansa na napili ng Japan bilang benepisyaryo ng OSA para sa fiscal year 2024 kung saan naglaan ang Japan ng 1.6 billion yen o humigit-kumulang P611 million para sa kagamitan ng PAF at Philippine Navy.

Ito na ang ikalawang beses na tumanggap ang Pilipinas ng tulong mula sa OSA simula noong 2023, kung saan nagbigay ang Japan ng coastal radar systems na nagkakahalaga ng 600 million yen o humigit-kumulang P235 million.