Nakatakdang magsanay ang fighter jets ng Pilipinas kasama ang mga US stealth fighter aircraft, ayon sa Philippine Air Force (PAF).
Ito ay sa ilalim ng bagong-bukas na Cope Thunder 26 Exercises, isang air force training simulation sa pagitan ng Pilipinas at US.
Gagamitin dito ang ilang F-22 Raptor ng US Pacific Air Forces (PACAF) at FA-50 fighter jets ng PAF.
Ang F-22 ay bahagi ng multi-role fighter jets na ginagamit ngayon ng US sa nagpapatuloy na giyera laban sa Iran. Ang mga ito ang pangunahing nagsasagawa ng air-to-air at air-to-ground missions.
Nagpaalala naman ang PAF sa mga mamamayan sa Central Luzon na huwag mabahala sa biglaang pagdami ng mga US at PH fighter jet habang nasa kasagsagan ng military simulation.
Pangunahing isasagawa ang mga aerial drill sa Clark Air Base at Basa Air Base, dalawa sa pinakamalalaking air base ng Pilipinas.
















