Nagpahayag ng buo at hindi natitinag na suporta ang pinakamalaking political party sa Kongreso na Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas–CMD) para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kaniyang administrasyon.
Ito ay sa gitna ng mga alegasyon ni dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co laban sa Pangulo na siyang nag-utos umano ng pagsingit ng P100 bilyong halaga sa 2025 national budget at mga isyu kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa flood control anomaly.
Sa isang statement, pinagtibay ng partido ang kanilang matagal ng mga prinsipiyo kabilang ang paggalang sa rule of law, pagtalima sa due process at katapatan sa katotohanan. Ang mga prinsipyo aniyang ito ang gumagabay sa kanilang mga gawa, miyembro at kung paano nila tinutugunan ang mga isyu.
Giit ng Partido na ang kanilang sandigan ay batas, ebidensiya at katotohanan, hindi kwentong kutsero o pamumulitika.
Ipinunto pa ng Partido na ang mga alegasyon ay dapat na gawin at sagutin sa tamang forum.
Sinabi din ng Partido na palaging nagpapamalas ang Pangulo ng pagtitimpi, pagiging bukas at paggalang sa lehitimong budget procedures.
Nagpahayag din ng kahandaan ang lahat ng miyembro ng Lakas-CMD na makipagtulungan sa anumang legal na imbestigasyon.















