Bubuksan ang lahat ng lanes sa North Luzon Expressway (NLEX) mula sa araw ng Miyerkules, Oktubre 29 hanggang Nobiyembre 3 para mapangasiwaan ang inaasahang buhos ng mga sasakyang magsisiuwian sa mga probinsiya sa nalalapit na All Saints Day at All Souls Day.
Ayon kay NLEX Ass. VP for Traffic Operations Robin Ignacio, pansamantalang ititigil ang lahat ng mga ginagawang pagsasaayos sa mga kalsada gayundin ang mga isinarang kalsada maliban na lamang kung may emergency repairs na kailangang gawin sa kasagsagan ng holidays.
Inabisuhan naman ng NLEX officer ang publiko na gamitin ang Balintawak toll plaza sa halip na dumaan sa Mindanao Avenue toll plaza dahil sa nagpapatuloy na konstruksiyon ng extension ng naturang expressway.
Pinapayuhan din ang mga motoristang magpapalagay ng bagong One RFID stickers na magtungo sa alinmang Easytrip branch para sa sticker.
Inaasahan ng NLEX Corporation na tataas ng 5% hanggang 10% ang dami ng mga sasakyang dadaan sa expressway mula sa normal na bilang kada araw.
Mararanasan ang pagsisimula ng pagtaas ng bilang ng mga motorista sa hapon ng Huwebes, Oktubre 30,2025 kasabay ng pagsisimula ng pag-uwi ng mga biyahero sa kani-kanilang probinsiya para sa holiday.
Para mapangasiwaan ang influx o pagdagsa ng mga biyahero, magpapakalat ang NLEX ng karagdagang personnel, kabilang ang traffic patrols.
















