LEGAZPI CITY – Rumagasa na ang baha sa Purok 3 Barangay Maninila sa bayan ng Guinobatan kasabay ng pagdaloy ng lahar o putik mula sa Bulkang Mayon.
Ito’y dahil sa malakas na buhos ng ulan na naranasan sa Albay kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa Guinobatan MDRRMO (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office) head na si Joy Maravillas, umabot hanggang baywang ang lebel ng tubig na nagkulay abo at tsokolate.
Namataan ang pagtaas ng lebel ng baha at malakas na agos ng tubig sa daan patungong Barangay Tandarora kaya napilitan ang ilang motorista na umikot na lamang sa alternatibong ruta.
Sa ngayon, ipinaayos na ang ilang parte ng daan na nasira bunsod ng malakas na agos ng tubig.
Ang mga naturang barangay ay kabilang sa 6-kilometer Permanent Danger Zone ng Bulkang Mayon.
Samantala, inalerto na rin ang mga barangay officials sa Mayon unit area lalo pa’t una nang nagbaba ng abiso ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administratio) weather bureau sa umiiral na La Niña.