Nakahanda ang Tondo Medical Center, na isa sa Department of Health (DOH) hospitals, sa posibleng paglobo ng kaso ng leptospirosis sa gitna ng mga nararanasang pagbaha bunsod ng mga kalamidad.
Ito ang tiniyak ni Health Secretary Ted Herbosa kasabay ng kaniyang pagiikot sa mga ospital at evacuation centers kung saan nananatili pansamantala ang mga na-displace o nasalantang mga residente.
Ayon sa kalihim sapat ang mga gamot at medical supply ng naturang pagamutan.
Patuloy naman aniya ang pagsusuplay ng gamot, referral sa mga evacuee at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at sa kanilang partner hospitals.
Sa kasalukuyan, mayroong tatlong pasyente na dinapuan ng leptospirosis ang naka-admit sa naturang ospital.
Itinuturing nga bilang catchment hospital ang Tondo Medical Hopsital kung saan dinadala din ang mga pasyenteng mula sa ibang mga siyudad gaya ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela maliban pa sa mga pasyente ng mismong lungsod ng Maynila.
Mayroong 300 bed capacity at may mahigit 1,000 healthcare workers na nagseserbisyo sa naturang ospital.