Inihayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na may mga impormante na ito para magbigay ng mga ebidensya upang mailagay sa Payatas, QC jail si Sen. Alan Peter Cayetano bunsod nang lumalalang bangayan ng dalawang senador.
Nag-ugat ito matapos kinuwestiyon ni Cayetano ang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Lacson na dumoble umano ang net worth noong 2025, kahit wala na ito sa serbisyo publiko.
Ani Lacson lumampas na sa hangganan ang mga pag-atake sa kanya ni Cayetano kung saan hindi niya umano ito hahayang magpatuloy at iginiit na ipagtatanggol ang kanyang integridad.
Ngunit buwelta ni Cayetano hindi niya kinukuwestiyon ang integridad ni Lacson kaugnay ng flood control probe, kundi ang mga taong sangkot dito.
Sa hiwalay pang pahayag, binigyang-diin ni Lacson na hindi siya abusado o tiwaling opisyal ng gobyerno.
Ani Lacson, lehitimo ang kanyang kinita mula sa kanyang mga negosyo. Tumaas lamang daw ang kanyang kita matapos siyang umalis sa serbisyo publiko, bagay na makikita sa kanyang income tax returns.
Dadag pa ng mambabatas na hindi siya nakatanggap ng anumang kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno, kabilang ang slope protection at iba pang infrastructure projects.
Kasabay nito, binatikos din ni Lacson si Cayetano, na mayroon umanong bilyun-bilyong pisong budget insertions sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.















