-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Senator-judge Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng tamang paglalagay ng label sa mga dokumentong inihaharap bilang ebidensya sa impeachment trial, sa patuloy na pagdinig ng Senado sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong araw, Setyembre 21.

Ayon kay Cayetano, maaaring malito ang publiko kung hindi tugma ang nakasaad sa pamagat ng dokumento sa aktuwal na nilalaman nito.

Partikular niyang tinukoy ang dokumentong may titulong “Summary of Vice President Sara Duterte’s Shareholdings,” na aniya ay naglalaman din ng mga datos tungkol sa isang korporasyon.

Giit ni Cayetano, mahalagang maging maingat sa paglalabel ng mga dokumento upang hindi ma-prejudice ang depensa at ang Vice President, lalo na’t ipinapakita ang mga ito sa publiko sa pamamagitan ng telebisyon at iba pang platforms.

Sinang-ayunan naman ito ni presiding officer Chiz Escudero na maaaring itama ang naturang isyu sa pamamagitan ng pagbabago sa title ng dokumento o paghihiwalay ng mga datos na direktang tumutukoy sa Vice President.