Hinamon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na siyasatin din nang kaparehong lalim ang flood control projects sa iba pang distrito sa bansa upang maiwasan ang alegasyon ng “Selective justice.”
Ayon kay Cayetano, maaaring pumili si Lacson ng dalawa o tatlong lugar bukod sa taguig at Davao at isailalim ang mga ito sa parehong pagsusuri.
Giit niya, maraming distrito sa bansa ang may flood control projects at hindi lamang sa mga lugar na konektado sa ilang personalidad dapat nakatuon ang imbestigasyon.
Kasabay nito, ipinagtanggol ni Cayetano ang flood control efforts sa Taguig, kung saan aniya ay malaki na ang ibinaba ng lawak ng mga lugar na dating madalas bahain.
Gayunman, kinilala niyang may ilang lugar pa ring nakararanas ng flash floods.
Samantala, sinabi ni Lacson na nagsumite na siya at kanyang team sa office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na may kalakip na official documents kaugnay ng umano’y systemic anomalies sa flood control projects sa Taguig.
Kinumpirma naman ng Ombudsman ang fact-finding investigation sa mga alegasyon.
Ayon kay Cayetano, dapat nakatuon ang mga opisyal sa paglutas ng problema at Hindi sa pagpapalala nito dahil sa partisan disputes.
















