-- Advertisements --

Pinuna ni Senator Panfilo “Ping” Lacson si Senator Alan Peter Cayetano matapos itong muling magsagawa ng Facebook Live broadcast, kaugnay parin ng ng krisis hinggil sa liderato sa Senado.

Sa isang post sa X (dating Twitter) nitong Linggo, Hunyo 7, sinabi ni Lacson na mas mabuting mag-Facebook Live na lamang si Cayetano kung wala umanong matibay na batayan sa batas at mga katotohanan ang kanyang mga argumento.

Ginamit ni Lacson ang isang kilalang kasabihan sa larangan ng batas upang ipahayag ang kanyang punto.

“‘When you’re strong on the law, pound the law. When you’re strong on the facts, pound the facts. When you’re weak on both…’ — mag-Facebook Live ka na lang,” ani Lacson.

Kinuwestiyon din ng senador ang pag-aangkin ni Cayetano sa liderato ng Senado sa kabila ng umano’y kawalan ng pagkilala mula sa iba’t ibang institusyon at personalidad.

“The Executive Department, House of Representatives, Integrated Bar of the Philippines, law deans, law professors, former Senate presidents, and many others do not recognize Senator Alan Cayetano as the President of the Senate. So, what is he?” ani Lacson sa kanyang post.

Ayon pa kay Lacson, tila Facebook Live broadcasts na lamang umano ang pangunahing paraan ni Cayetano upang ipahayag ang kanyang mga posisyon sa gitna ng umiiral na sigalot sa Senado.

Samantala, itinanggi rin ni Lacson ang pinakabagong alegasyon ni Cayetano na nakipagsabwatan umano siya sa Malacañang upang idiin ang ilang personalidad sa kontrobersiya kaugnay ng mga flood control projects habang pinoprotektahan naman ang iba.

Iginiit pa ng mambabatas na ang natuklasan ng Senate Blue Ribbon Committee noong siya pa ang namumuno rito ay hindi lamang basta alegasyon kundi pinagtibay pa umano ng Office of the Ombudsman at ng Sandiganbayan.