Inilahad ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na inalok umano siya ng ilang retiradong opisyal ng militar na maging bahagi ng isang “civil-military junta.”
Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na hindi niya pinansin ang mga alok at hindi kailanman pinatulan ang ideya.
Ayon sa senador, lumilitaw ang ganitong panukala dahil sa galit ng publiko sa malawakang korapsyon, kabilang na ang maanumalyang flood control projects ng pamahalaan.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na labag sa Konstitusyon ang anumang junta, “transition council,” o military “reset.” Aniya, sa kanyang tugon sa mga nagtutulak nito: “Dream on.”
Nanawagan din si Lacson na ipagpatuloy ang pagbatikos sa katiwalian, ngunit huwag isakripisyo ang 1987 Constitution. Dagdag pa niya, “I hope such a military-backed intervention would not happen because nothing good can come of it.”
Ipinaliwanag pa ng senador na malinaw sa Konstitusyon ang line of succession, na nagtatapos sa House Speaker, dahilan kaya isinulong niya ang Designated Survivor Bill upang palawakin ang succession at masiguro ang continuity of government sa oras ng malawakang krisis.
Binanggit din ni Lacson na tutol ang Catholic Church sa anumang marahas o extra-legal na paraan ng pagpapalit ng pamahalaan.














