-- Advertisements --

Ibinunyag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang paggawad ng bilyon-bilyong halaga ng mga kontrata sa mga contractor na may poor and unsatisfactory rating.

Inihalimbawa ng senador ang Legacy Construction Corporation, isang kumpaniya na kasama sa listahan na unang sinapubliko ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na umano’y nakakuha sa pinakamalalaking kontrata simula noong 2022.

Ayon kay Villanueva, ang naturang kumpaniya ay nakatanggap lamang ng ‘poor at unsatisfactory’, batay sa ipinagkaloob na rating ng Government Procurement Policy Board.

Sa kabila ng ‘pangit’ na rating, ayon sa senador, naigawad pa rin sa contractor ang malalaking halaga ng mga flood control project.

Sa katunayan aniya, mula 2022 hanggang 2025, ang naturang contractor ang naging No.1 contracting firm sa buong bansa.

Sa naging kasagutan naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoa, sinabi nitong titingnan ng ahensiya ang proyektong ginawa ng naturan kumpaniya na dahilan kung bakit ito ginawaran ng poor at unsatisfactory rating.

Paliwanag ng kalihim, ang isang kumpaniya ay binibigyan ng palugit upang pagbutihin o baguhin ang kaniyang proyekto ngunit kung hindi ito magawa ng naturang kumpaniya, tiyak umanong i-blacklist ito.