-- Advertisements --

Ipinawalang bisa ng kataastaasang hukuman ang ‘Mining Ban’ na mga ordinansa sa probinsiya ng Occidental Mindoro.

Kung saan idineklara ng Korte Suprema na ito’y walang bisa kahit pa na layong maipagbawal sa kanilang ordinansa ang mga large-scale mining o paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 (RA 7942).

Ang naturang deklarasyon ay mula sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen ng Supreme Court En Banc.

Nakasaad sa desisyong ito na gawing walang bisa ang mga ordinansa ng probinsya at ng munisipyo ng Abra de Ilog na siyang nagpapataw ng 25-taong pagbabawal sa pagmimina sa lugar.

Paliwanag kasi ng Korte Suprema, hindi ordinansa ang maaring magbawal sa pagmimina kundi tanging batas lamang sa ilalim ng RA 7942 dahil nasa Kongreso raw ang may kapangyarihan rito.

Pati ang pagpapataw ng ‘blanket ban’ sa mga large-scale mining operations ay hindi rin maari dahil lahat ng mga aplikasyon ay kinakailangan pa munang sumailalim sa mga environmental impact assessment.

Kahit pa na may tinatawag na ‘police powers’ ang mga Local Government Units, giit pa rin ng Korte Suprema na hindi dapat malabag ang kung anong nakasaad sa konstitusyon ng bansa.

Sumang-ayon sa naturang desisyon maging ang isa pang mahistrado na si Associate Justice Amy Lazaro-Javier na bagama’t pinuri niya ang layunin maproteksyonan ang probinsiya, naniniwala pa rin ito na dapat masunod pa rin ang batas.