Ibinunyag ni dating Independent Commission on Infrastructure (ICI) Special Investigator Benhamin Magalong na naging livelihood o kabuhayan na ng maraming government contractor at government officials ang korapsyon sa mga itinatayong public infrastructure project.
Ito ay natuklasan umano ng alkalde, kasunod ng mga serye ng pag-iikot sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang suriin ang mga naipatayong government project.
Ayon kay Magalong, lahat ng mga nabisitang istruktura ay may bumabalot na anomalya tulad ng hindi magandang kalidad, overpriced, o may bahid ng kickback.
Bagaman inasahan na umano niyang malawak ang inaabot ng korapsyon, nagulat pa sila ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon nang matuklasang naging livelihood na ito ng mga kontratista at mga kasabwat na government officials tulad ng mga kongresista.
Ang masaklap aniya, mistulang tanggap na rin ng mga mamamayan ang naturang sistema.
Naniniwala ang alkalde na libu-libong proyekto ang may bahid ng korapsyon, at tiyak na mabibilang lamang ang mga proyektong walang bahid ng katiwalian.
Giit ng alkalde, oras na binubuo na ang isang proyekto ay agad na aniyang pinagpaplanuhan kung paano kumita rito ang government officials na sangkot.
Dahil dito, kalimitang hindi nakukumpleto ang proyekto, substandard, o hindi magamit. Ang iba aniya ay walang maitayong proyekto dahil wala nang pondong magamit