-- Advertisements --

Tiniyak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sila’y patuloy na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang mga online selling platforms bilang tugon o paglaban nila kontra iligal na pagbebenta ng vape. 

Ito mismo ang inihayag ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. na aniya’y hindi lamang sa mga importers at physical stores sila nakatutok bagkus maging na rin sa online. 

Kung saan ibinahagi pa nito na sila’y mayroong isinasagawang koordinasyon sa mga naturang platforms para maipa-take down ang mga iligal na tindahang hindi umano rehistrado o bigong makasunod sa ligal na proseso ng pagnenegosyo. 

Samantala inamin naman ni Commisioner Lumagui Jr. na hindi makakailang may nakakalusot pa rin lalo na ang iba ay nagtitinda ng patago sa mga online groups o online marketplace. 

Ngunit gayunpaman, binalaan niya ang mga ito na huwag ng ipagpatuloy ang patagong pagbebenta ng produktong vape sapagkat aniya’y hahabulin nila ang mga ito at sasampahan pa ng kaukulang reklamo. 

Maaalala na kamakailan lamang ay personal na nagtungo si Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo D. Lumagui Jr. sa Department of Justice upang magsampa ng kaso laban sa tatlong importer ng produktong vape. 

Kung saan inihain ng kawanihan ang bilyun-bilyong piso na tax evasion case sa mga negosyong ito dahil sa hindi pagbabayad ng kaukulang excise tax. 

Kaya naman babala pa ng naturang commissioner na mapa-online, o physical stores at retailers man, sila’y patuloy na magmamanman para masampolan pang makasuhan ang iba pang mga hindi sumusunod sa tamang proseso ng pagnenegosyo.