Target simulan ang konstruksiyon ng expansion ng pinakamahabang tulay sa Pilipinas na San Juanico Bridge sa taong 2028.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), malapit nang makumpleto ang feasibility study sa konstruksiyon ng ikalawang San Juanico Bridge na nagdudugtong sa Samar at Leyte.
Base kay DPWH Senior USec. Emil Sadain, noong Hulyo 25 nagsagawa ng wrap-up meeting kasama ang Japan International Cooperation Agency (JICA) na isang mahalagang hakbang tungo sa pagsasapinal ng technical at economic evaluations sa naturang proyekto.
Ang ipapatayong tulay ay karagdagang crossing sa 2.16 kilometer San Juanico Bridge na kasalukuyang isinasailalim sa rehabilitasyon dahil sa katandaan na rin ng imprastruktura.
Inaasahang isumite ang pinal na feasibility report ng JICA sa Setyembre ng kasalukuyang taon.