-- Advertisements --

Tiniyak umano ng mga mambabatas sa Department of Budget and Management (DBM) na maipapasa nila sa tamang oras ang 2020 proposed national budget.

Sinabi ni Budget Acting Secretary Wendel Avisado, kinausap sila liderato ng Kamara na sa Oktubre 4 ay maipapasa na nila sa huling pagbasa ang panukalang pambansang pondo na nagkakahalaga ng P4.1 trillion.

Ayon kay Sec. Avisado, kasabay rin nito ang patuloy na budget deliberations din sa Senado.

Kasama sa proposed 2020 national budget ang pondo para sa implementasyon ng Universal Health Care Law.

Aminado naman ang DBM na kasama rin sa budget ang malilikom na pondo mula sa Trabaho Bill na kasama sa komprehensibong tax reform package ng gobyerno na layong babaan ang corporate income tax at babaguhin ang mga ibinibigay na insentibo sa ilang kompanya.

Bagama’t hindi pa ito naipapasa sa Kongreso, inihayag ni Sec. Avisado isinama na ng Department of Finance (DOF) ang inaasahang kita dito sa paglalaanan ng budget para sa 2020.

Sakali mang hindi umano maipasa ang Trabaho Bill, ipinauubaya na raw ng DBM sa Kongreso ang desisyon sa budget dahil sila naman ang may kapangyarihang mag-apruba ng pambansang budget.