-- Advertisements --

Pinalagan ni PPP Partylist Rep. Harold Duterte, pinsan ni Vice President Sara Duterte, ang kapwa niya mambabatas dahil sa pambubully umano sa Bise Presidente matapos tapyasan ang panukalang pondo para sa 2026 ng Office of the Vice President (OVP).

Sa isang statement ngayong Sabado, Oktubre 11, sinabi ni Rep. Duterte na bagamat nakakadismaya, inaasahan na umano nila ang naging aksiyon ng Kamara. Tinawag din ito ng mambabatas bilang “bullying” na nagkukubli bilang governance at hindi isang “budgeting”.

Saad pa ng mambabatas na bagamat binawasan ang pondo ng OVP, hindi aniya mapapatigil nito ang kagustuhan ng Bise Presidente na magsilbi. Bawat peso aniya na ibinawas mula sa OVP ay nagsisiwalat lamang kung gaano kakitid mag-isip at naging “politically vindictive” ang ilang mga tinatawag na mambabatas.

Sarkastiko ding binati ng mambabatas ang mga kasamahan niya sa Kamara sa kanilang naging aksiyon. Aniya, kung ang intensiyon ay para mamahiya, binati niya ang mga ito, at sinabing ipinahiya lamang nila ang kanilang sarili.

Giit pa ng mambabatas na walang makakapigil sa OVP mula sa pagsisilbi nito sa mga Pilipino, na nakamasid at siyang nakakakita kung sino ang nagtratrabaho para sa kanila.

Matatandaan, nitong Biyernes, tinapyasan ng Kamara ang panukalang pondo ng opisina ni VP Sara ng P156-million. Kayat mula sa P889.2 million bumaba na ito sa P733.2 million matapos na hindi muling sumipot ang Pangalawang Pangulo sa pagdinig ng plenaryo para depensahan sana ang proposed budget.