-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Suspendido ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Surigao del Norte ngayong araw, Lunes, Oktubre A-13 matapos yanigin ng magnitude 6 na lindol ang bayan mga Cagwait, sa kalapit-lalawigan ng Surigao del Sur nitong Sabado ng alas-10:32 ng gabi dahilan ng pag-isyu ng tsunami warning na sinundan pa ng mga malalakas na aftershocks.

Ang suspensyon ng klase ay alinsunod sa Executive Order No. 66 at DepEd Order No. 22, na nakasaad din sa mga probisyon ng Local Government Code.

Ayon kay Surigao del Norte Governor Lyndon Barbers, sa pamamagitan nito’y mabigyan ng sapat na panahon ang mga focal persons, mga engineers, at iba pang technical experts ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) upang magsagawa ng inspeksyon sa katatagan ng mga istruktura ng mga paaralan at matiyak ang kaligtasan bago muling gamitin ang mga ito.

Saka lamang ibabalik ang klase kung idedeklara ng ligtas na ng mga itinalagang DRRM focal o structural assessors ang mga paaralan.

Kasabay nito’y inatasan din ang mga Municipal at City DRRMC focal persons na magsumite ng kanilang inspection at safety status report sa Provincial DRRM Operations Center.

Hinihikayat din ang publiko na manatiling alerto, susunod sa mga safety protocols, at makipagtulungan sa mga inspection team at lokal na mga otoridad.