Inanunsyo ng Bohol Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na balik-normal na ang klase at trabaho ngayong araw, Oktubre 2, sa buong lalawigan ng Bohol.
Ito’y matapos ang province-wide suspension ng mga klase at trabaho kahapon kasunod ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu.
Inihayag ni Dr. Anthony Damalerio, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na tanging mga minor cracks sa mga paaralan ang naitala ng Department of Education (DepEd), kaya’t pinayagan ang resumption ng klase.
Sa parte naman ng imprastraktura, iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaunting sira sa Calape-Pangangan Bridge, ngunit ligtas pa ring madaanan ng magagaan na sasakyan.
Nagsagawa na rin ng inspeksyon sa Vaño Bridge na patungo sa bayan ng Dauis, at nakatanggap ng inisyal na ulat na maaaring madaanan ito ng mga light vehicles.
Sinabi pa ni Damalerio na wala namang naitalang malalaking pinsala o casualty sa Bohol dahil sa lindol, at hindi na kailangan ng state of calamity para sa probinsya.
Patuloy namang nakastandby at naka-alerto ang Philippine National Police, Department of Health, at iba pang emergency response teams, habang may mga nakahanda ng 24,000 food packs mula sa Department of Social Welfare and Development at mula sa Provincial Social Welfare and Development para sa mga apektadong residente.