-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Ikinatuwa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagsampa ng kaso ng Ombudsman laban kay Zaldy Co at iba pang mga indibidwal, ngunit hindi sila naniniwalang inosente si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa malawakang korapsyon sa pamahalaan ngayon.

Ayon kay Ronnie Manalo, Secretary General ng KMP, si Co mismo ang nagturo sa pangulo bilang umano’y mastermind ng korapsyon dahil ito raw ang nag-utos sa isang daang bilyong pisong insertion sa General Appropriations Act para sa taong ito.

Dismayado rin sila kay Senador Panfilo “Ping” Lacson dahil sa mga aksyon nitong tila hahantong sa pag-absuwelto sa pangulo, dahilan upang mawalan sila ng pag-asa sa mga imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Senate Blue Ribbon Committee.

Para naman sa nalalapit na peace rally sa Nobyembre a-30, nananawagan siya na dapat dito ilalabas ang tinig ng mamamayan para sa panawagang pagbabago na aniya’y mangyayari lamang kung magkakaroon ng transition council.