-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nakikiisa ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) sa buong media community sa pagdadalamhati sa pagkasawi ni Juan “Johnny” Dayang, 89-anyos matapos na pinagbabaril-patay sa loob mismo ng kaniyang pamamahay sa Villa Salvacion, Barangay Andagao, Kalibo, Aklan noong Abril 29, 2025.

Lumipad papuntang Kalibo si Undersecretary Joe Torres ng PTFOMS at personal na tumungo sa bahay ni Dayang upang alamin ang brutal na pagpatay sa batikang mamamahayag na itinuturing na haligi ng Aklan Press Club.

Ayon kay Torres, naireport na sa Palasyo ng Malacañang ang insidente kung saan, mahigpit aniya ang bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na masusing imbestigahan at tutukan ang mga ganitong insidente kasi hindi lamang ito ang una na may napaslang na miyembro ng media.

Nakipag-unayan na aniya ito sa Special Investigation Task Group (SITG) upang malaman ang mga hakbang ng pulisya sa isinasagawang imbestigasyon.

Nakaantabay aniya ang PTFOMS sa mga kaganapan at hangad nila na maisilbi ng maaga ang hustisya sa naging kamatayan ng Chairman Emeritus ng Publishers Association of the Philippines (PAPI).

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Torres ang lahat ng kawani ng media na mag doble-ingat dahil pawang katotohanan lamang ang inilalahad mapa-print o broadcast media.