-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —Pormal nang sinimulan ng Australia ang pagpapatupad ng kanilang bagong batas na nagbabawal sa mga kabataang may edad 15 anyos pababa sa paggamit ng mga social media apps.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Rolan Jon Bulao, isang Senior Research Contracts Officer sa Australian National University na ito ang kauna-unahang uri ng batas sa buong mundo.

Sa ilalim ng naturang batas, kinakailangan ng TikTok, YouTube, Instagram, Facebook at iba pang major platforms na i-block ang mga user na 15 anyos pababa.

Ang sinumang lalabag ay may multang nasa $50 million dollars.

Ayon kay Bulao layunin ng pamahalaan na mapangalagaan ang mga kabataan mula sa peligrosong mga content, pagka-adik sa online at mga problema sa mental health.

Sa halip, hinihikayat ang mga estudyante na mag-focus sa sports, pagbasa at iba pa nga mga gawain.

Marami umanong mga magulang at child-safety groups ang sumusuporta sa bagong patakaran, subalit kontra dito ang mga tech companies at ilang mga eksperto na nagsasabing maaring magtulak pa ito sa mga kabataan na gumamit ng hindi regulated na mga website.

Sa kasalukuyan ay maraming bansa ang naka-abang sa Australia upang malaman kung magiging epektibo ang batas at kung dapat itong tularan.

Sa kabilang daku, naniniwala si Bulao na kaya itong ipatupad sa Pilipinas basta’t hindi biglaan ang pagpapatupad.