BUTUAN CITY – Bumaba ng 76 porsiyento ang naitalang mga firecracker-related injuries sa Caraga Region ngayong holiday season, partikular mula Disyembre a-21, 2025 hanggang kahapon, Enero 2.
Kinumpirma ito ni Dr. Amethyst Kathleen Alicante, hepe ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit/Health Emergency Management Services (RESU/HEMS) cluster ng Department of Health – Center for Health and Development–Caraga.
Sa isang eksklusibong panayam sa Bombo Radyo Butuan, ibinahagi ni Dr. Alicante na tatlong kaso lamang ang kanilang naitala sa rehiyon kungsaan dalawa sa Surigao del Norte at isa naman sa Agusan del Norte na malaking pagbaba kung ikukumpara sa 13 kaso na naitala nitong nakaraang taon.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na ang mga kasong ito ay nagmula mismo sa kanilang mga sentinel sites, na Adela Serra Ty Memorial Medical Center at Caraga Regional Hospital na may Online National Electronic Injury Surveillance System (ONEISS/ONIS), isang digital platform na ginagamit sa pagmo-monitor at pagtatala ng mga injury cases sa buong Pilipinas.
Kinumpirma rin ng opisyal na ang mga biktima ay mga menor-de-edad na ang sanhi ay ang mga ipinagbabawal na paputok, kung saan mukha at mata ang mga bahaging naapektuhan.
Nilinaw ni Dr. Alicante na hindi pa pinal ang mga datos dahil magpapatuloy pa ang kanilang monitoring hanggang Enero 6.














