Grace2

BUTUAN CITY – Tuluyan nang nahuli ng mga tauhan ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13), ang nag-apply na kasambahay na tinakasan ang mga senior citizens nitong amo sa Surigao City bitbit ang aabot sa P5 milyon halaga ng mga alahas.

Ayon kay Police Lt. Col. Christian Rafols, tagapagsalita ng PRO-13, nakatanggap sila ng tip mula sa isang concerned citizen kung kaya’t matagumpay nilang nahuli ang suspek na unang nagpakilalang si Grace Monles Moralde.

Nahuli siya kagabi sa may Brgy. 2, bayan ng Tubay, Agusan del Norte kasama ang tinatayang 20-anyos nitong nobyo.

Narekober pa mula sa kanyang posisyon ang mamahaling relo at diyamanteng hikaw pati na ang mga resibo mula sa pawnshop kung saan niya naisanla ang ninakaw na mga alahas pati ang police sports uniform na posibleng ginamit din umano nito sa kanyang panloloko.

May narekober ding dalawang sasakyan na inupahan ng biktima na posible umanong kanyang ibebenta.

Nalaman pa ng opisyal na marami itong ginamit na mga pangalan sa mga panloloko sa Surigao City na siya na nitong ginawang modus upang mabuhay.