Humina pa ang bagyong Karding na una nang inuri bilang isang super typhoon.
Ito ay matapos na mag-landfall ang nasabing bagyo sa vicinity ng Dingalan, Aurora noong Linggo, Setyembre 25, 2022.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa paghina ng nasabing bagyo ay nasa signal no. 4 na lamang ang pinakamaataas na Tropical Cyclone Warning Signal na posibleng maitala sa mga lugar na maaapektuhan nito.
Kasabay nito ay naglabas na rin ang PAGASA ng Red Rainfall warnings sa ilang bahagi ng lalawigan ng Quezon, Bulacan, at Rizal na sinasabing nanganganib na mga lugar nang dahil sa malubhang mga pagbaha na posibleng maranasan nang dahil sa nasabing bagyo.
Sa datos ng PAGASA, kasalukuyan nang nasa vicinity ng Nueva Ecija si Bagyong Karding na may maximum sustained winds na 175 kilometers per hour at gustiness na hanggang 290 kilometers per hour at kumikilos na rin ito pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Samantala, makakaranas naman ng katamtaman hanggang sa malakas na mga pag-ulan naman ang iiral sa katimugang bahagi ng Metro Manila, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Cavite, Batangas, Laguna, gitnang bahagi ng Quezon, at hilagang bahagi ng Mindoro.
Inaasahang mas hihina rin si Karding habang kumikilos ito sa Luzon ngunit mananatili bilang isang bagyo ang magiging klasipikasyon nito ayon naman sa pinakahuling Track and Intesity Forecast ng PAGASA.