-- Advertisements --

Inihayag ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na bukas siyang gawing automated na ang isasagawang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026 dahil na rin sa mga benepisyo nito sa halalan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Garcia na kapag automated na ang isang eleksyon, mas mabilis ng malalaman ang resulta ng botohan. Dagdag pa niya, maiiwasan na rin ang karahasan kapag automated dahil tinatanggap na agad ng mga natalo ang resulta hindi katulad kapag mano-manong binibilang, mas umiigting din ang init ng labanan ng bawat kandidato.

Bagaman, panibagong paghahanda sa poll body kung sakali mang gawing automated ang BSKE, hindi rin mawawala ang benepisyo nito para sa pagsasagawa ng mas maayos at mapayapang halalan na nakita rin naman ng mga botante at poll body sa nagdaang Midterm Elections noong Mayo.

Samantala, ibinahagi rin ni Garcia na patuloy na dinadagsa ang voters registration ng komisyon sa buong bansa. Aniya, halos 65% sa mga nagpaparehistro ay mga first time registrants.

Magandang indikasyon ito na nagpapakita ng kagustuhan ng mga Pilipino na makaboto sa susunod na mga halalan.

Magtatagal ang Voters Registration hanggang ika-10 ng Agosto at nakatakdang ipagpatuloy ito pagkatapos ng Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre ng kasalukuyang taon.