-- Advertisements --

Tinawag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na isang “demolition job” o paninira ang alegasyong naglagay siya ng bilyon-bilyong pisong insertions sa panukalang 2025 national budget.

Mariing itinanggi ng senador na kumita siya mula sa panukalang pondong inilaan para sa Sorsogon —na kilalang balwarte ni Escudero.

Bagamat kinumpirma niyang humiling siya ng pagbabago sa alokasyon ng budget para sa Sorsogon, nilinaw niyang hindi ito umaabot sa P9 billion gaya ng i-binibintang sa kanya.

Kasunod nito, iginiit ni Escudero na hindi perpekto ang National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM), kaya’t kinakailangan talaga ang ilang pagbabago —hindi lamang mula sa Senado kundi pati na rin mula sa mga ahensya ng gobyerno na mas nakakaalam ng kanilang aktuwal na pangangailangan.

Aniya, labis ang paratang sa kanya.

Tanong pa ng senador: Ibig bang sabihin ay agad nang iligal o masama kapag may amyenda o insertion sa budget?

Binigyang-diin ni Escudero na ang mga pagbabago sa budget ay nagiging iligal lamang kung ito ay ginagawa matapos itong maisabatas.

Ayon pa sa kanya, ipinaabot sa kanya na ginagamit ang isyung ito upang sirain ang kanyang pangalan at impluwensyahan ang pagpapalit ng liderato sa Senado.

Sa huli, iminungkahi ni Escudero na gawing publiko ang lahat ng amyendang inihahain ng mga senador sa pambansang pondo.

Aniya, ginawa na niya ito noong siya pa ang namumuno sa Committee on Finance, kaya imumungkah rin niya ito kay Senador Sherwin Gatchalian na siyang mamumuno sa nasabing komite sa ika-20 Kongreso.