Reading Time: 1 minute

CAUAYAN CITY – Patay ang isang barangay kapitan habang sugatan ang isang barangay kagawad at isang bata matapos pagbabarilin dakong alas-11:36 kagabi ang sinasakyan nilang van sa Bagabag, Sto. Tomas, Isabela.

Ang namatay ay kinilalang si Barangay Kapitan Manuel Ramento, 40, ng Bubug, Sto. Tomas, Isabela.

Nasugatan naman ang nagmaneho sa sasakyan na si Barangay Kagawad May Glenn Padre at si Althea Nicole Gumtang, 6, pawang residente Bubug, Sto. Tomas, Isabela.

Hindi pa nakikilala ang mga suspek na nagsagawa ng pananambang sa kanila.

Lumabas sa imbestigasyon ng Sto. Tomas Police Station na ang mga biktima ay nanggaling sa Centro, Sto. Tomas, Isabela pauwi sa Bubug, Sto. Tomas, nang pagbabarilin sila ng mga suspek na sumulpot mula sa maisan.

Ang barangay kapitan at barangay kagawad ay nagtamo ng mga tama ng baril sa kanilang katawan.

Ang batang si Althea Gumtang ay nagkaroon ng sugat sa kanyang kaliwang paa.

Dinala naman ang mga biktima sa Milagros District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival si Ramento.

Si Padre ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Sto. Tomas Police Station sa naturang pananambang sa mga biktima.