Isinailalim ang lungsod ng Maynila sa “Blue Alert” status simula kahapon, Agosto 26 bilang bahagi ng paghahanda sa posibleng epekto ng Southwest Monsoon o Habagat, na kasalukuyang pinalalakas ng isang Low Pressure Area (LPA), ayon sa Manila Public Information Office.
Batay sa ulat ng state weather bureau, inaasahan ngayong araw ng Miyerkules, Agosto 27, ang mahina hanggang katamtaman, at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa iba’t ibang parte ng Maynila.
Ang nasabing alert status ay alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno upang tiyakin ang kahandaan ng lungsod sa panahon ng tag-ulan.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang publiko na maging alerto at handa, lalo na sa mga lugar na malapit sa baybaying-dagat at ilog, dahil sa posibilidad ng pagbaha.
Hinihikayat din ang lahat na tutukan ang mga opisyal na abiso mula sa pamahalaan.