-- Advertisements --

Nakahanda ang legal team ni Vice President Sara Duterte na tumalima sa utos ng Korte Suprema na magkomento sa apela ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni VP Sara, magsusumite sila ng komento sa loob ng itinakdang panahon.

Matatandaan, nauna ng naghain ang Mababang Kapulungan, sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General, ng mosyon noong Lunes, Agosto 4 upang hilinging baligtarin ng Korte Suprema ang naunang desisyon nito na nagdeklara sa ika-apat na impeachment complaint laban sa Bise Presidente bilang labag sa batas.

Hinikayat din ng Kamara ang kataas-taasang hukuman na pahintulutan silang gampanan ang kanilang tungkuling nakasaad sa Konstitusyon na mag-impeach at magsagawa ng paglilitis.

Inutusan naman ng Korte Suprema si VP Sara at ang kanyang abogado na si Atty. Israelito Torreon na magsumite ng kanilang komento sa loob ng hindi lalagpas sa sampung araw.