-- Advertisements --

Nagsagawa ng pulong kahapon ang House Budget Amendments Review Sub-Committee upang talakayin ang mga mungkahing pagbabago sa panukalang 2026 National Expenditure Program (NEP), kasunod ng mga deliberasyon sa antas ng komite nitong nakaraang buwan.

Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson Mika Suansing, kabilang sa mga tinalakay ang reallocation o muling paglalaan ng pondo na umabot sa ₱255 bilyon halagang inalis mula sa orihinal na budget proposal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Tiniyak din ni Suansing na hindi maaaring magsagawa ng congressional insertions o pagdaragdag ng sariling pondo ng mga mambabatas sa yugtong ito ng deliberasyon.

Paliwanag naman ni Suansing anumang mungkahi ng mga kongresista na dagdagan ang budget ng isang ahensya ay kailangang dumaan mismo sa ahensyang may kinalaman, at hindi maaaring idirekta sa General Appropriations Bill bilang “insertion.”

Inaasahang magsisimula ang plenary-level budget debates ngayong Martes, Setyembre 23, kung saan tatalakayin na ang buong panukalang badyet sa plenaryo ng Mababang Kapulungan.