Tiniyak ng mga lider ng Kamara na nananatiling nakatutok ang House of Representatives sa kanilang trabaho at legislative agenda, sa gitna ng umano’y walang basehang paratang ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Speaker Martin Romualdez hinggil sa “insertions” sa 2025 budget.
Ayon kay Deputy Speaker Ronaldo Puno, hindi naapektuhan ang operasyon ng Kamara.
Aniya, maayos na gumagana ang Committee on Rules sa pangunguna ni House Majority Leader Sandro Marcos, at tuloy-tuloy ang pagdinig ng mga komite.
Sinang-ayunan ito ni Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, na nagsabing nakasentro ang mga miyembro sa direksiyong ibinibigay ng House leadership.
Dagdag naman ni Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan, nakatutok ang Kamara sa paggawa ng batas na kailangan ng bansa.
Patunay ng tuloy-tuloy na trabaho, mahigit 100 panukalang batas ang naipasa sa first reading sa plenaryo, at walo ang nagbigay ng privilege speeches sa sesyon ng hapon.















